Ang Zamboanga City ang tahanan ng unang WikiClub sa Mindanao, Pilipinas

Translate this post
Ang mga kalahok ng Zamboanga Edit-a-thon sa lugar ng kaganapan, Universidad De Zamboanga. Kuha ni Kozak005, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons

Mayroong tatlong pangunahing isla sa Pilipinas. Isa rito ang Luzon, ang pinakamalaki at pinakamataong isla. Matatagpuan sa Luzon ang Maynila, ang kabisera ng bansa at sentro ng pamahalaan. Ang pangalawa sa pinakamalaki ay ang Mindanao, na nasa timog na bahagi ng bansa—isang isla kung saan sama-samang namumuhay ang mga Moro at Kristiyano bilang isang komunidad. Ang pangatlo ay ang Visayas, isang grupo ng mga isla sa gitnang bahagi ng kapuluan kung saan karamihan sa mga tao ay nakakaintindi at nagsasalita ng parehong wika – ang wikang Bisaya.

Karamihan sa mga komunidad ng Pilipinong Wikimedian ay matatagpuan sa Luzon at Visayas. Hindi pa nakakapag-organisa at nakakabuo ng mga komunidad ang mga editor mula sa Mindanao. Ang karamihan sa mga outreach o pagpapalawig sa Mindanao ay bahagi lamang ng mga pambansang kampanya na isinasagawa ng mga komunidad mula sa ibang rehiyon.

Matapos itatag ng Shared Knowledge Asia Pacific (SKAP) ang WikiClub Cebu, nakatanggap sila ng hiling na magtayo ng WikiClub sa Mindanao. Ang unang opsyon sana ay ang Davao City, ngunit mabilis na nakapag-organisa at nakabuo ng grupo ang Zamboanga City.

May natatanging wika ang Lungsod ng Zamboanga—ang CHAVACANO, isang wikang creole na nakabatay sa Espanyol. Dalawang lugar lamang sa Pilipinas ang nagsasalita ng Chavacano: ang Zamboanga at Cavite. Gayunpaman, unti-unti nang nababawasan ang mga nagsasalita sa Cavite dahil sa pagtanda ng populasyon at modernisasyon. Ang bakas ng wikang Chavacano sa Wikipedia ay matatagpuan sa Wiktionary, ngunit hindi ito naging aktibo nang higit sa isang dekada. Taong 2025 lamang nang muli itong bisitahin at gawing aktibo.

Nagbigay ng courtesy visit o pagbisita ang mga nag-organisa ng Zamboanga edit-a-thon sa Alkalde upang bumuo ng partnership o ugnayan sa WikiClub Zamboanga. Kuha ni Kozak005, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons

Sa pakikipagtulungan sa Wikimedia Malaysia, bumuo ng pangkat si Butch Bustria, isang contributor sa Wikimedia, upang magsagawa ng edit-a-thon sa lungsod ng Zamboanga. Pinangunahan ito nina Farouk Azim Bin Farouk Azim at Zahirul Nukman. Tinuruan ang mga kalahok kung paano mag-edit ng Wikipedia gamit ang Chavacano, mag-edit ng Wiktionary, at mag-upload ng mga litrato sa Wikimedia Commons.

Nagmula sa iba’t ibang larangan ang mga kalahok. Mayroong mga dalubwika, cultural officers, taga-media, librarians, mga estudyante at kawani ng akademya, isang doktor, at mga grupong pang-teknolohiya. Sa dalawang araw na kaganapan, nakilala namin ang wikang Tausug, ang kultura ng Tawi-tawi, at kung gaano kalapit ang maliliit na isla ng Pilipinas sa mga isla ng Malaysia.

Natuto ang mga kalahok kung paano mag-upload ng mga larawan sa Wikimedia Commons. Kuha ni Kozak005, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons

Pumunta kami sa mga museo, parke, gusali ng gobyerno, unibersidad, at iba pang mga lugar habang ginagawa ang courtesy call, photowalk, at paggalugad sa kultura. Nakapanayam namin ang isang archivist, isang doktor at dekano ng isang unibersidad, isang librarian, at mga opisyal ng lungsod. Ipinakilala namin ang kultura ng malayang kaalaman (open knowledge), ang kilusang Wikimedia, at ang mga layunin at programa nito.

Isa itong napakaproduktibong pakikipagtulungan na nag-uugnay ng iba’t ibang kultura. Ang pagpapalitan ng kultura sa pagitan ng mga Malaysian at Pilipino sa loob lamang ng dalawang araw ay napakayaman at isang magandang paraan para simulan ang bagong taon.

Sa kasalukuyan, nagmumungkahi ang WikiClub Zamboanga ng isang proyekto sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod at nakapagsagawa na rin ng isang edit-a-thon sa isang unibersidad sa Davao City.

Can you help us translate this article?

In order for this article to reach as many people as possible we would like your help. Can you translate this article to get the message out?