Ang makasaysayang Chamber Building sa Intramuros ay magiging opisyal na punong-tanggapan ng Pilipinas Panorama Community

Translate this post

Ang Pilipinas Panorama Community (PPC), isang tematikong Wikimedia organization na nakabase sa Maynila ay nag-host isang meet-up noong ika-28 ng Hunyo 2025. Ito na ang ika-33 na meet-up ng mga Wikimedian dito sa Kalakhang Maynila. Mula sa pagtatag ng PPC noong 2022, ang kamaynilaan ay naging saksi sa maraming Wikimedia meet-ups at kaganapan na nagbigay-kulay sa mga pinagkukunan ng GLAM at pamanang kultural ng Pilipinas.

Mga miyembro ng Pilipinas Panorama Community (PPC) kasami ang pangulo ng CCPI na si Jose Luis U. Yulo Jr. (Ralff Nestor Nacor, CC BY-SA 4.0, via Wikimedia Commons)

Binisita namin ang Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI) na matatagpuan sa kahabaan ng Magallanes Drive sa Intramuros, Maynila. Ikinagagalak namin na kami ay magiliw na tinanggap ng pangulo ng CCPI na si Jose Luis U. Yulo Jr. Binigyan niya kami ng isang heritage tour sa Chamber Building, ang pook-palatandaan ng pinakamatandang institusyon ng negosyo sa bansa. Tinalakay niya ang mga kontribusyon ng kamara sa kasaysayan at ekonomiya ng Pilipinas. Kasama sa mga paksa ay isa sa mga dating pangulo ng CCPI, si Juan B. Alegre, na naging tagapamahala ng kamara mula 1920 hanggang 1921. Siya rin ang lolo ni Sir Johnny Alegre, isang beteranong Wikimedian at tagapagtatag ng aming organisasyon.

Ang Chamber Building ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands – isang cultural heritage site at ang opisyal na punong-tanggapan ng PPC (Ralff Nestor Nacor, CC BY-SA 4.0, via Wikimedia Commons)

Natutuwa kaming makita na nakabuo na ang PPC ng mga pakikipag-ugnayan kasama ang maraming institusyon ng GLAM tulad ng CCPI. Kilala rin bilang La Cámara de Comercio de las Islas Filipinas, ang CCPI ay itinuturing na pinakamatandang institusyon ng negosyo sa Pilipinas. Itinatag ito noong 1886 sa pamamagitan ng isang royal decree ni Reyna Rehente Maria Cristina ng Espanya. Kinilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang ambag ng institusyon sa ekonomiya at kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglagay ng mga historical marker sa labas ng Chamber Building sa tatlong (3) wika: Kastila, Ingles, at Filipino.

A group photo of some of the members of PPC and staff of CCPI
Mga miyembro ng Pilipinas Panorama Community (PPC) at mga tauhan ng CCPI, kasama ang tatlong historical marker ng CCPI sa wikang Kastila, Ingles, at Filipino (Ralff Nestor Nacor, CC BY-SA 4.0, via Wikimedia Commons)

Mula ngayon, ang Chamber Building ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands, isang pook-pamanang kultural ay magiging opisyal na punong-tanggapan ng PPC sa sarili nitong Legacy Heritage Room. Pagkatapos nang heritage tour sa umaga, nagsagawa kami ng isang panloob na miting kung saan in tinalakay namin ang mga usaping pang-organisasyon, mga natutunan mula sa ESEAP Strategy Summit 2025, mga proyekto sa hinaharap, at layunin ng bawat miyembro. Nagsagawa rin kami ng isang Basic Wiki Editing Workshop para sa mga miyembro ng PPC upang mas lalong matutunan nila ang pamamatnugot sa Wikipedia, pag-ambag ng mga larawan sa Wikimedia Commons, paglikha ng mga project pages sa Meta-Wiki, at paglikha ng mga salin. Sabik na kaming magamit ang Chamber Building bilang lugar para sa mga darating na pagpupulong, kumperensya, summit, edit-a-thon para sa mga Wikimedian dito sa Kalakhang Maynila.

Tungkol sa mga awtor

Si RALFF NESTOR S. NACOR, na kilala rin bilang User:Ralffralff ay ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas Panorama Community (PPC) mula taong 2024. Bilang isang taga-ambag ng Wikimedia, pinamumunuan niya ang inisyatibong pamanang-kultural na Philippine Panorama Project at siya rin ay isang tagapamahala/sysop ng Bikol Wikipedia. Sa labas ng Wikimedia, siya ay isang lisensyadong Chemical Engineer at R&D Scientist sa Pilipinas.

Si ERNEST MALSIN, na kilala rin bilang User:PhiliptheNumber1, ay kasalukuyang isang regular na kasapi ng Pilipinas Panorama Community (PPC). Bilang isang taga-ambag ng Wikimedia, nag-aambag siya ng mga larawan ng Kalakhang Maynila at gumagawa ng mga salin sa Meta-Wiki. Siya rin ang naging pinakabatang kalahok sa ESEAP Strategy Summit 2025 na ginanap sa Maynila bilang isang event volunteer. Siya ay kasalukuyang nakabase sa Lungsod Quezon, Pilipinas.

Can you help us translate this article?

In order for this article to reach as many people as possible we would like your help. Can you translate this article to get the message out?